Nasa Cagayan de Oro ako noong Oktubre; sa Dumaguete, noong Mayo. Madali akong mahirati sa mga lugar. Ibig sabihin: madaling mapamahal. Marahil, dahil masarap isipin na may mga bersyon ng buhay Pilipino na umiinog sa ibang lokalidad, sa ibang paraan. Bahagyang katulad ng sa 'yo, pero kakaiba pa rin, kung tutuusin (o bahagyang kakaiba, pero katulad pa rin, sa dulo). Hindi ito romantiko at arbitraryong pag-i-invoke ng "bansa" sa panahon ng delubyo; sa halip, patunay ito, para sa akin, na nag-iisa, kahit magkakahiwalay, ang naratibong hinahawan ng bawat Pilipino.
At nakita natin na ito ay naratibo ng pag-igpaw sa mga sakuna, sa mga pesteng umaalipusta sa "normal" na mga tunghuhin, sa mga karahasang isinasalimpad ng kapalaraan sa araw-araw. At sa mga pangyayaring tulad nito, na kumitil sa higit isanlibong katao, dumungis sa mga lungsod na dati'y walang bahid, madaling mahirati sa emosyonal na tawag ng bayanihan, ng pagtutulungan para sa mga nasalantang kababayan.
Ngunit, lagi't lagi, ipinapaalala sa atin na ang bansa bilang bagay na nahahawakan, nakikita, natutulungan, ay hindi lamang umuusbong sa panahong tulad nito. Pinapatingkad marahil ng sakuna ang mga pakiramdam, pero ang pagiging bansa ay higit sa kawang gawa, labas sa usapin ng minanipulang damdamin. Wala mang kagyat na tulong sa mga nasalanta ang pagpapanagot, marahil marapat usisain: bakit nangyari ito, at bakit dapat umabot sa ganito?
Sa mas konkreto, wagas ang galit ko kay Noynoy sa 'di pagsasalita agad hingil sa isyu. Hindi ko alam kung bakit, pero nang papataas ang bilang ng mga biktima, una kong hinanap sa Google News kung may inilabas na bang pahayag ang Palasyo? May sinabi na ba ang pangulo? Nagpunta na ba siya sa hilagang Mindanao? Sa sobrang galit ko sa kanya, ilang Tweet rin ang naipadala ko kay Abi Valte para magtanong. Anong aral ang napulot ng lideratong ito sa nangyari sa Ondoy? Paanong pinagbawalan si Noynoy na lumipad patungong CDO gayong laksa-laksang media at aid workers na ang andoon sa bukang liwayway ng Sabado? Mukha ba kaming tanga?
At nang, sa Martes, ilang hatinggabi matapos ang trahedyang kumitil sa isanlibong "boss" niya, ay nagsalita na si Noynoy, waring naging SONA't pagbubuhat ng bangko ang talumpati. Naglabas ng ganito kalaking pera. Natulungan ang ganito karaming pamilya. May ganitong kapabilidad na ang PAGASA. May isang maliit na pangungusap na sa unang banda'y umaako ng responsibilidad, pero sa huli'y naging "tayo" bigla ang maysala: "Hindi ko po yata matatanggap na nagawa na namin ang lahat; alam kong may kaya pa tayong, at dapat tayong gawin."
Ang inaasahan ko lamang mula, at hinihingi sa, umano'y ama ng bayan, ay ilang pangungusap ng pangungumusta. Hungkag na retorika, marahil, sa isang banda, pero sa panahong walang sagot ang maraming tanong, nais mo lang ng isang siguradong boses. Na magiging maayos ang lahat. Na maiigpawan ito. Na may amang nag-aasikaso sa mga anak na hilong talilong sa mga alalahanin, hindi nakikisaya nang parang walang nangyari. Nang parang walang mga putikang bangkay na isinasalansan sa minadaling mga libingan. Nang parang walang bansang nangungulila na naman.
No comments:
Post a Comment