Tuesday, December 13

Inuman.

Mula rito
Ni Paul Timothy Escueta*
I can drink a case of you, and still be on my feet.
- Joni Mitchell, A Case of You

Pag-inom ng alak ang paborito nating libangan. Sa Kyusinero sa Matalino St., kabisado na ng mga kuya ang hilatsa ng pagmumukha natin at paboritong pwesto. Kasabay ng pagsayad ng puwit sa upuan kung ilapag nila sa mesa ang bucket ng Pale Pilsen. Tapos ash tray. Tapos tissue. Tapos Pulutan Platter A, na may sari-saring pika-pika, gaya ng French fries, calamares, nachos, chicken lollipop, at pipinong lumalangoy sa suka.

“Kamusta love life?” tanong mo.

“Um, kamusta ka ba?”

“OK naman.”

“Edi OK ang love life ko.”

Pero syempre sa kalagitnaan pa ng inuman uusbong ang ganitong mga usapan. Kailangan munang paspasan ang ilang bagay sa simula: ang pag-aaral, ang KulĂȘ, ang Peyups, ang girlfriend mo.

Ang dami na ring babae sa buhay mo ang mas natagalan ko, banggit mo minsan, habang nakangisi. Wala ka naman talagang ibig sabihin dito; may mga sandali lang talagang dinadapuan ka ng lambing, at ako ang nasa iyong tabi. Punong-puno ka kasi ng pag-ibig; kaya minsan, kahit hindi mo sinasadya, may mga napapadpad sa aking direksyon.

These things that are pleasin’ you can hurt you somehow.
- Eagles, Desperado

Naaalala mo ba noong nasobrahan tayo ng inom minsan – tig-siyam na bote ‘ata – at sa pag-ba-bike mo pauwi ay bigla kang nasuka? Grabe pa rin ang balance mo at tuloy-tuloy ka lang sa pagpepedal, kahit minumura ka na ng mga tambay sa tabi ng daan na natalsikan ng suka mong may pira-pirasong patatas at pipino.

Ako, hindi marunong mag-bike, at sa una’t huling beses na sinubukan mo ‘kong turuan, ang una mong paalala ay, “Kailangan mong mag-let go, Paul.” Literal ang ibig mong sabihin, pero hawak mo kasi ang likod ko at hinihipo ng amihan ang ating mga pisngi, kaya iba ang sumagi sa aking isip. Lalo na nung kinagabihan sa Kyusinero’t sinabi mong, “Siguro, kung babae ka, mag-se-sex tayo mamaya.”

Puta naman. Walang ganyanan. Lasing na lasing ka na nga marahil. Sinabi mo rin kasing maganda ang gupit ko, at bagay sa ‘kin ang maikling buhok. Kulang na lang, sabihin mong ang cute ko, at “Pa-kiss nga.” Sa kasamaang palad, nawalan na ng malisya para sa akin ang mga ganitong tagpo’t palitan. Hindi ba sabay nga nating pinanuod ang video ni Hayden Kho at panay ang batikos mo sa performance niya?

“Guess she gave you things I didn’t give to you.”
- Adele, Someone Like You

Like what? A vagina?

Biro lang. Alam mo namang hindi ako rah-rah sa gay cause, pero noong gabing iyon, naisip ko sa kauna-unahang pagkakataon kung papaanong humahadlang sa mga gusto natin ang ilang bagay na dala lang ng simpleng pagkakataon, gaya ng gender. Sabi nga ni Chokoleit, “Para ‘yun lang?”

Pero sinabi mo dati na naniniwala ka sa reincarnation at past lives, at baka nga mag-syota tayo sa dating buhay natin, o sa susunod. Ewan. Marahil naaalala ko lang ang isang lumang pagnanais na maging higit pa sa kaibigan mo. Pero para saan pa ba ang alak kung hindi sa panandaliang paglimot sa mumunting kirot? Hanggang sa susunod na inuman.

*Walang kwentang pagkubli.

1 comment:

  1. Ikaw na. Ikaw na ikaw na.

    Nasaan ang pastillas-flavored bibingka ko. At yung kapeng P50 lang.

    ReplyDelete