Sunday, November 25

--



Mga Huling Araw sa Nagsarang Koreo*

May kakaibang himbing ang papel at bato
sa papasarang koreo. Sa mga huling araw

papanipis nang papanipis ang mga liham
na dapat timbangin, sipatin sa ilaw,

isalansan. Kumikintab ang malamig na sahig
at pabagal nang pabagal ang mga yabag.

Dapithapon nang may matandang babae
na naghulog ng sulat, isa sa mga pinakahuli.

Puti ang sobreng pahaba, walang bahid
ng lukot, tila dumaan sa papalamig na plantsa.

(Ang mga selyo’y dibuho ng makukulay na isda.)
Ibinulong sa kanya, Paalala, mananatiling bukas

ang mailbox sa labas. Maaari pa ring maghulog
ng anumang kakasya sa maliit na siwang—

mga liham na bitbit ang mga mumunting pakay,
nakabinbin hanggang sa dumating, marahang pilasin,

basahin. Tanging tingin ang tugon ng babae,
papasibol ang ngiti habang binabawi ang liham.

Naglakad ito palabas at dinig sa loob ng tanggapan
ang marahang pagbukas sa bibig ng mailbox, simula

ng napipintong wakas. Malamlam ang dapithapon
sa paglayo ng babae, papahaba ang mga anino.

Ang mga selyo’y dibuho ng makukulay na isda,
mahimbing ngunit dilat sa dekahong dagat.

*Batid na ang postal system ang pakahulugan ng 'koreo' at hindi ang mismong edipisyo o tanggapan ('ipadala ang lahok sa pamamagitan ng koreo'). Payo ni C, i-invoke ang poetic license at metonomiya.

No comments:

Post a Comment