Tuesday, November 13
--
Bumalik sa batis kamakailan, kung saan nawala isang gabi at kinailangang hanapin at sunduin ng unipormadong Los Banos police bitbit ang kanilang naglalakihang flash light. Madaling baybayin ang lumipas na panahon sa pamamagitan ng mga balikong linya, putol-putol, minsa'y makapal at minsa'y 'di halos makita, mga sala-salabit na kasaysayang pilit na itinatali hanggang kaya. Maraming nagbago. Maraming nasira. Sa pagmamasid ngayon sa rumaragasang tubig, napansing may mga bahagi ang batis na payapa. Mahirap isipin: na pahihintulutan ng bara-barang pagkakaayos ng mga malalaking bato ang ganitong espasyo, na ligtas, na sagrado, habang sa paligid ay puno ng galit, nagmamadali, ang tubig. Maraming katahimikan sa muling pagbisita, mga siwang na pinupuno ng mga 'di na dapat sabihin, at malaon nang naipaliwanag, naisaisip. Kahapon, waring isang linggo ang lumipas sa loob ng walong oras. Marahas-masaya ang mga pangyayari, mga bagong karanasan, mga bagong pinagsaluhan, at sa gitna: isang oasis, isang dakong luntian at buhay sa ilang. Sa tapat ng ospital, may nasumpungang tahimik na kapihan. Uminom ng gatas. Nanahimik. Walang maliw na kapayapaan.
Labels:
lesson
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment