Sunday, April 15

--

Ang Ibig Sabihin ng Lungkot

Tanda ko ang mabilis-mabagal na pag-ulan ng bulak sa Abril 
kasabay ng iyong tagubilin: “Ang susi ay nasa ilalim lamang 
ng marungis na paso sa ikatlong baitang.” Sa nais tuntunin 
ng mga ligaw na bulak sa hangin, animo’y walang bigat 
ang katawan, walang grabidad ang nahamugang lupain. 
Ano ang kakatwang kahulugan ng paglipad ng bulak 
kung hindi ang kawalan nito ng pakpak? Kung hindi 
ang sandaling kalayaan mula sa napipintong paglapag. 
Sa ngayon, kung kailan nakapinid ang mga daan 
at paraan tungo sa iyo, ang mga pasilyo’t siwang 
na dati’y daluyan ng mga hiwatig na ngayo'y iwinaglit 
sa hangin, tulad mo, tulad natin, mahal, saan ang daan 
tungo sa nakaraan? Ano ang silbi ng malalamyang kumpas
ng bulak sa malaon nang ikinandadong pintuan?

No comments:

Post a Comment